top of page

World's Indigenous People Day

Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council hinggil sa Pagdiriwang ng International Day of Indigenous People

World's Indigenous People Day

Nakikiisa ang Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriya sa makabuluhang pagdiriwang ng International Day of Indigenous People ngayong araw, Agosto 9. Pinapanawagan ng konseho ang pagtutol laban sa mga kaganapan ng pandarambong, pambubusal, at paglabag sa karapatan ng pambansang minorya sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte. Ipinanawagan namin ang pagwawakas ng mga pag-atake at karahasan na naglalagay sa peligro sa buhay, kabuhayan, at kultura ng ating mga kapatid na katutubo.

Mariing tinututulan ng Konseho ang walang-habas na pang-aabuso ng kasalukuyang rehimeng Marcos-Dutere sa mga katutubong grupo sa buong bansa. Kagaya na lamang sa Timog-Katagalugan, hindi na mabilang ang mga pagkakataon kung saan ang tribong Dumagat-Remontado, mula sa Rizal at Quezon, ay naglalakbay sa harap ng panganib upang labanan ang malupit na pagpapaunlad ng mga proyektong Kaliwa-Kanan-Laiban Dam sa Sierra-Madre. Sa kabila ng kanilang tibay ng loob, patuloy silang inaatake, ni-rered-tag, inuusig, at binibingi-bingihan ng mga awtoridad. Sa katunayan, ginagamit pang kasangkapang ng estado ang National Commision on Indigenous People (NCIP) kung saan kanilang sapilitang pinapapirma ang mga katutubong Dumagat-Remontado sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC) upang pagmukhaing lehitimo ang kanilang pagtatayo ng Kaliwa-Kanan-Laiban Dam kahit na tumututol ang 37 na komunidad ng Dumagat-Remontado dito.

Mariin ding tinututulan ng katutubong Pala’wan ang iba’t ibang minahan ng mineral na Nickel sa Brooke’s Point sa lalawigan ng Palawan. Patuloy ang pangloloko na ginagawa dito ng NCIP, sa ngalan ng dalawang kumpanyang Ipilan Nickel Corp. (INC) at MacroAsia Mining Corp. (MMC), upang mapaboto ang katutubong Pala’wan ng FCIP. Sa katunayan, mga protesta din laban sa INC ang ginamit na dahilan upang arestuhin ang anim na residenteng tumututol sa pagmimina sa Brooke’s Point, Palawan.

Huwag rin nating kalimutan ang mga kapatid nating tribong Mangyan sa Mindoro na patuloy na binubusabos at inaabuso nang walang tigil na pwersa ng Philippine Army. Ang mga paglabag na ito sa kanilang karapatan ay malinaw na paglapastangan sa kanilang dangal sa pamamagitan ng pag-aresto, pagpapahirap, at panggigipit sa mga magsasakang Mangyan. Kahit na may pagpapakita ng pagkakaisa sa hangaring makamtan ang katarungan at pantay na pagkakataon, hindi pa rin nawawala ang pangamba at takot dulot ng marahas na kampanya laban sa kanila.

Kung kaya naman, matapang na tumitindig ang Konseho upang labanan ang mga pasistang atake laban sa komunidad ng mga kapatid nating IPs. Sa kabila ng patuloy na pang-aapi at paglabag sa kanilang mga karapatan, mahalaga na itaas ang kanilang mga tinig para sa kanilang lupang ninuno at pagprotekta sa kalikasan na kanilang pinagkukunan ng kabuhayan. Bilang mga inhinyero ng bayan, dapat nating iwaksi ang mga ‘di-makatao at ‘di-makakalikasang imprastraktura at gawain gaya ng Kaliwa-Kanan-Laiban Dam, at mga minahan. Kasama na rin ang walang habas na paggamit ng batas at institusyon ng estado gaya ng NCIP, PNP, AFP upang takutin, arestuhin, at patayin ang ating mga kapatid na katutubo. Patuloy tayong lumaban para sa isang mas makatarungan at pantay na lipunan kung saan ang kanilang tinig ay hindi ipinagsasawalang-bahala.

#StopTheAttacks
#DefendTheDefenders

bottom of page