top of page

UPLB MAGKAISA! SANCHEZ, MULING TUTULAN

Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council hinggil sa Pagkakatatag kay Fernando Sanchez Bilang Isa sa mga Nominado sa Pagka-Pangulo ng UP

UPLB MAGKAISA! SANCHEZ, MULING TUTULAN

Mariing tinututulan at kinokondena ng Konseho ng mga Mag-aaral sa Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal si Fernando Sanchez at ang kaniyang nominasyon sa pagka-pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas.

Sa panahon ngayon na ang UP, lalo’t higit sa hanay ng mga mag-aaral at mga guro, ay nasasadlak sa iba’t ibang problema hinggil sa seguridad, pang-akademikong kalayaan, pagbabalik sa “face-to-face” na kondukta ng mga klase, at budget cuts, mas kinakailangan ng mga Iskolar ng Bayan ang isang UP President na lubog sa kaniyang pinagsisilbihan at handang makinig sa kanila. Kailangan ng mga Iskolar ng Bayan ang isang UP President na may prinsipyo at hindi kurakot. Kailangan ng mga Iskolar ng Bayan ang isang UP President na handa at ginagawa ang kaniyang mandato na ipaglaban ang karapatan ng masa. Ngayon, dapat nating itanong kung pasok nga ba si Sanchez sa mga katangian na ito?

Ang sagot ay isang dumadagundong na “HINDI!” Matatandaan natin kung gaano kalupit si Sanchez sa mga mag-aaral ng UPLB sa panahon na siya’y nanungkulan bilang Chancellor ng pamantasan. Halimbawa nito ay ang mga naglipanang anti-student na polisiya gaya na lamang ng mass declination ng mga aplikasyon para sa MRR/Readmission, pagpapatupad ng “No Late Registration Policy”, pagtatatag ng Freshie Recruitment Ban, at ang hindi pagbibigay ng konsiderasyon sa kalagayan ng mga mag-aaral at guro noong napunta sa remote setup ang moda ng pagkatuto. Bukod pa rito ay sa termino din ni Sanchez ginamit ang Student Academic Information System na mas kilala sa #JunkSAIS dahil sa kabulukan ng sistema kahit na milyon-milyon ang pinopondo para rito. Dagdag pa ang mga kasong administratibo na nakahain pa rin laban kay Sanchez hinggil sa korapsyon at abuso sa kapangyarihan. Huli ay ang pagiging tikom ni Sanchez sa mga insidente ng redtagging sa loob mismo ng UPLB at pagkakaroon ng baluktot na prinsipyo gaya noong panahon kung saan madaliang nakapaglunsad ng isang pro-Marcos activity sa loob mismo ng unibersidad.

Makikita sa mga nabanggit na tila ba puti at itim ang kaibahan ng katangiang kailangan ng mga Iskolar ng Bayan sa kung sino nga ba si Sanchez. Kaya nama’y ipinapanawagan ng konseho sa mga indibidwal, organisyasyon at pati na rin ang mga guro at administrasyon ng CEAT at ng buong UPLB na palakasin muli natin ang ating mga boses upang tutulang makahawak muli ng kapangyarihan si Sanchez. Nagawa na natin ito noon nang mapigilan natin ang ikatlong termino ng isang walang-awa at walang-kwentang administrador, kung kaya’t kaya natin ito ulitin at mas palawakin. Sabay-sabay nating isigaw ang “UPLB Magkaisa! Sanchez, Muling Tutulan!”

#NoMoreChancesSanchez
#RejectSanchez
#InclusiveEducationForAll

Photo used is from UPLB Perspective

bottom of page