QCPD Salot, Takot sa mga Progresibo
OPISYAL NA PAHAYAG NG CEAT STUDENT COUNCIL HINGGIL SA ISINAMPANG REKLAMO NG QCPD SA MGA AKTIBISTA NG TIMOG KATAGALUGAN KAUGNAY SA ISINAGAWANG PROTESTA NOONG SONA NI MARCOS JR.
Pinapakita ng QCPD ang kanilang pasismo sa mga progresibo sa pagsampa nito ng gawa-gawang kasong paglabag sa Public Assembly Act of 1985 sa 14 na lider-aktibista mula Timog Katagalugan dahil sa Bigkisan Caravan — serye ng mga kilos protesta, na mayroong permit mula sa Quezon City Government, upang isiwalat ang kapalpakan ng administrasyong Marcos Jr. noong State of the Nation Address.
Sa 14 na lider-aktibista, kabilang rito sina John Peter Angelo Garcia (UP Student Regent 3rd Nominee, YAPJUST-UPLB Chairperson), Charm Maranan (Dating USC Chairperson, Defend Southern Tagalog Spokersperson), Kenneth Rementilla (Dating Editor para sa UPLB Perspective, Anakbayan Southern Tagalog Coordinator), at Kyle Salgado (Dating Anakbayan UPLB Vice Chairperson, Bagong Alyansang Makabayan - TK Coordinator). Nararapat lamang na tingnan ang ganitong atake sa mga progresibo bilang atake rin sa mga iskolar ng bayan na lumalaban para maaksyunan ang mga krisis panlipunan gaya na lamang ng pagsirit ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, kasama ng mga hindi patas na kasunduan sa mga dayuhang bansa at paglabag sa karapatang pantao. Sa mga akusasyong ito, mas lalong lumilitaw ang tahasang panggigipit ng estado sa mga mamamayang lumalaban.
Kung kaya naman mariing kinokondena ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriya ang QCPD at ang pasistang atake ng administrasyong Marcos-Duterte gamit ang galamay nitong kapulisan pati na rin ang mga mapanupil na mga batas. Kung tunay ang prinsipyo ng mga kapulisan na pinapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan, hinahamon ng Konseho na iurong ng QCPD ang mga reklamong isinampa laban sa 14 na lider-aktibista sapagkat hindi makatarungang ikriminalisa ang karapatan ng mamamayan.
Ang mga pananakot at mga hakbang ng estado para manupil ay hindi makakapigil sa diwa ng nagkakaisang pakikibaka ng mamamayan. Kung kaya naman dapat tayong magpatuloy sa ating pagkilos at hindi magpadala sa pagpapatahimik ng estado sa anyo ng pagsasampa ng walang kwentang kaso. Hinahamon natin ang bawat isa sa atin, mula sa mga estudyante hanggang sa administrasyon ng UPLB, na maging tagapagtanggol ng karapatan at dignidad ng bawat isa. Tumugon tayo sa panawagan ng oras at ipakita natin sa rehimeng Marcos-Duterte na hindi tayo papayag sa patuloy na pagyurak sa ating kalayaan at demokrasya. Sa bawat hakbang na ating gagawin, sa bawat tinig na ating itataas, tayo'y magpapakilos upang igiit ang makatarungan at maging bahagi ng tunay na pagbabago sa ating bansa.
#DefendTheDefenders
#StopTheAttacks
#HandsOffOurActivists