top of page

Presyo ng Langis at Bilihin, Ibaba

Opisyal Na Pahayag Ng Ceat Student Council Hinggil Sa Mataas Na Presyo Ng Langis At Ng Mga Bilihin

Presyo ng Langis at Bilihin, Ibaba

Sa gitna ng pandemya at pagsulong ng kamakailan lamang na kaliwa’t kanang pag-lockdown ng gobyerno, muli na namang nahaharap ang bansa sa isa pang mahirap na sitwasyon bunsod ng pagtaas sa mga presyo ng halos lahat ng mga pangangailangan dahil sa paglobo ng halaga ng langis.

Matapos ang ilang linggong sunod-sunod na oil price hike ay ang patuloy ring panawagan ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal sa pagpapabasura ng Excise Tax at Oil Deregulation Law gayundin ang pagpapababa ng presyo ng mga bilihin bilang maging pangunahing prayoridad ng bagong administrasyon.

Sa kasalukuyan, pumalo na sa 6.1% ang inflation rate ng bansa, pinakamataas matapos ang mahigit tatlong taon [1]. Dahil dito, patuloy rin ang pagtaas ng gastos ng mga produksyon, singil sa kuryente, at mga pasahe sa jeep. Ilan lamang ito sa mga direktang epekto ng paglobo ng presyo ng langis sa bansa na maaari ring magresulta sa pagpapabagal ng paglago ng ekonomiya ng bansa [2].

Ayon sa Department of Energy, makakakita ang mga mamimili ng mas mataas na rollback sa presyo ng pump na humigit-kumulang P5 hanggang P6 kada litro sa lahat ng produktong petrolyo ngayong linggo [3] ngunit wala pa ring rollback sa patuloy na pagbulwak sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Hindi pagsasayaw ng chacha ang dapat na maging tugon ng gobyerno sa kumakalam na sikmura ng mga mamamayan dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan. Hindi “simpleng merienda sa Malacañang” ang dapat ginagawang prayoridad ng bagong administrasyon.

Tayong mga estudyante ay hindi ligtas sa krisis pang-ekonomiyang nararanasan ng bansa bunsod ng makupad na pagtugon ng panibagong administrasyon dito. Sa nalalapit na pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan, asahan nating isa tayo sa papasan sa bigat ng krisis na ito lalo na’t patuloy ang paglobo ng presyo ng mga bilihin at iba pang serbisyong panlipunan. Kung kaya’t marapat lang na tumindig tayo kasama ng taumbayang patuloy na nasasadlak sa kahirapan.

Patuloy na manawagan para sa isang maagap at konkretong plano mula sa gobyerno. Buwis sa langis, tanggalin! Junk Oil Deregulation Law!

#RollbackSaBilihin
#JunkOilExciseTax

Sources:
https://tradingeconomics.com/philippines/inflation-cpi
https://business.inquirer.net/346165/ph-among-the-worst-hit-by-lofty-oil-prices
https://www.manilastandard.net/news/314242512/doe-sees-bigger-oil-price-rollback-of-about-p5-to-p6.html

bottom of page