PALAYAIN SI ALEXA PACALDA! PALAYAIN ANG MGA BILANGGONG PULITIKAL!
Opisyal na pahayag ng CEAT Student Council hinggil sa hindi makatarungang hatol kay Alexa Pacalda
PALAYAIN SI ALEXA PACALDA! PALAYAIN ANG MGA BILANGGONG PULITIKAL!
Opisyal na pahayag ng CEAT Student Council hinggil sa hindi makatarungang hatol kay Alexa Pacalda
Sa buwan mismo ng mga kababaihang anakpawis, mariing kinokondena ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal ang desisyon ni Judge Salvador Villarosa Jr. ng Regional Trial Court ng Lucena City sa malapastanganang paghatol kahapon kay Alexa Pacalda ng gawa-gawang kasong Illegal Possession of Firearms and Explosives matapos ang tatlong taong ilegal na pagkakabilanggo at usad-pagong na paglilitis.
Si Pacalda ay isang human rights worker, peasant advocate, at manunulat na ilegal na inaresto ng 201st Infantry Brigade at 85th Infantry Battallion noong ikaw-14 ng Setyembre 2019. Ito ay sa kabila ng walang pinakitang warrant of arrest kung saan siya ay tuluyang sinampahan ng mga gawa-gawang kaso na wala namang sapat na batayan. Sa kanyang pagkakapiit ay isinailalim siya ng AFP sa isang psychological torture na may kasamang pagbabanta kung saan sapilitan siyang pinapapirma ng affidavit of voluntary surrender na isa raw siya umanong miyembro ng CPP-NPA.
Ang desisyon na inihatol ng korte ay pagpapakita lamang ng tunay na katangian ng sistema ng hustisya ng ating bansa -- sadyang binabalewala ang mga pangunahing prinsipyo ng hustisya, at ang mga pangunahing karapatan ng mga tao habang kusang yumuyuko sa interes ng mayayaman at mga makapangyarihan.
Kaisa ang buong pwersa ng mga kababaihan, Timog Katagalugan, at malawak na hanay ng masa, mariin ang ating pagkondena sa hindi makatarungang hatol ng Lucena City Regional Trial Court kay Alexa Pacalda. Hinihimok natin ang lahat na manindigan at makiisa sa paghamon sa Lucena RTC upang maging tapat sa kanilang tungkulin na protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino at ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban kay Alexa. Habang nagdiriwang ang mga pasista sa tuwa, iginigiit natin na hindi tayo matatakot at magpapatuloy sa pakikipaglaban para sa agarang kalayaan ni Alexa at maigting na pagpapanawagan para sa kalayaan din ng lahat ng mga bilanggong pulitikal.
#FreeAlexaPacalda
#FreeAllPoliticalPrisoners
#DefendSouthernTagalog