PAGPUPUGAY SA LAHAT NG MGA LUMABAN PARA SA BAYAN! PALAYAIN ANG PILIPINAS MULA SA DAYUHAN!
[Opisyal na Pahayag ng Konseho ng Mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro Industriya Hinggil sa ika-82 Anibersaryo ng Araw ng Kagitingan]
Walompu’t dalawang taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang isa sa pinakamaitim at madugong yugto ng ating bansa. Mula sa pambubusabos ng bansang US, nagpatuloy ito sa pandarahas ng imperyalistang Hapon na kung saan pinahirapan ang 75,000 na bilanggo ng digmaan mula sa mga tropa ng Pilipinas at US sa ngayo’y mas kinikilala na bilang Bataan Death March.
Sa ating paggunita ng malagim na kasaysayan na ito, mararamdaman pa rin natin natin na magpasahanggang ngayon ay may mga tinik pa rin ng mga imperyalistang bansa ang patuloy na tumutusok at nagpapahirap sa ating sambayanang pilipino lalo’t higit, sa masang anakpawis.
Sa simula palang ng panunungkulan ni Marcos, ilang base militar na ang naitayo sa iba’t ibang parte ng pilipinas. Ilan na lamang dito ay matatagpuan sa Cagayan, Bataan, Palawan, at marami pang iba na pinapalabas bilang lugar-sanayan ng mga salot na militar ng pilipinas nang kabigkis ang iba’t ibang sundalo ng mga imperyalistang bansa. Ngunit nanatiling huwad ito dahil pagkatapos naman ng araw, ginagawa na lamang itong instrumento upang masakop at magkaroon ng lupa ang mga imperyalistang bayan. Hindi rin pinahihintulutan nito na makapaghanapbuhay ang mga apektadong mga pesante sa mga lugar na nasasakop ng ganitong mga huwad na pagsasanay.
Isa na lamang dito ay ang usapin sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas kung saan patuloy ang pambobomba ng tubig ng malalaking barko ng Tsina sa mga mangingisdang pilipino sa nakaraang ilang taon. Kahit na nasa loob ng eryang pangisdaan, patuloy na dinarahas ng impeng Tsina ang ating mga mangingisda. Nang hingan ng panayam si VP Sara patungkol dito, wika niya’y “No Comment.” na isang simbolo ng tahasang pagpapakatuta sa Imperyalistang Tsina.
Kung magpapatuloy ang panghihimasok ng mga impeng bayan sa ating bansa at patuloy na pahihirapan ang masang anakpawis ng ating bansa, hindi rin matatapos ang pagsulpot ng masang nakikibaka na lalaban para sa tunay na demokrasya at kalayaan mula sa pangil ng mga Imperyalistang Bayan.
Kaya mga Inhinyero ng Bayan, patuloy na makiiisa sa mga panawagan ng masa. Isulong ang tunay na reporma sa lupa at makabayang industriyalisasyon na siyang magiging mitsa ng tunay na kalayaan ay indipendensya ng ating bansa mula sa mapang-aping mga Imperyalistang Bayan!
#ArawNgKagitingan
#AtinAngPinas