top of page

Pagpupugay Para Sa Mga Bayani Ng Bansa

Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council Hinggil sa Paggunita Para sa Araw ng mga Bayani

Pagpupugay Para Sa Mga Bayani Ng Bansa

Kasama ng sambayanang Pilipino, ang Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal ay marubdob na nakikiisa sa paggunita ngayon sa Araw ng mga Bayani.

Sa pag-alala natin sa mga hinirang na bayani ng bansa, kaakibat nito ang palaisipang paano nga ba sila itinuring na mga bayani?

Ang Komite ng Pambansang Bayani, na binubuo ng mga kilalang mananalaysay at iskolar, ay gumawa ng tatlong pamantayan para sa mga Pambansang Bayani: (1) Ang mga bayani ay ang mga may konsepto ng bansa, at nagnanais at nakikipagpunyagi para sa kalayaan ng bansa; (2) Yaong mga nagbibigay kahulugan at nag-aambag sa isang sistema o buhay ng kalayaan at kaayusan para sa isang bansa; at, (3) ang mga nag-aambag sa kalidad ng buhay at kapalaran ng isang bansa. Tuwing huling Lunes ng Agosto ay nakatuon sa pagpaparangal at pag-alala hindi lamang sa mga kilalang tao na nakipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas kundi pati na rin sa mga hindi kilalang bayani, nakaraan at kasalukuyan, na malaki ang naiambag sa layunin ng katarungan, kalayaan at nasyonalidad.

Ngayong araw rin na ito ay hindi lamang para alalahanin ang kabayanihan ng mga magigiting na Pilipino na isinugal ang buhay nila para sa bansa na hinirang sa pamamagitan ng mga pamantayang isinaad ng Komite ng Pambansang Bayani. Sa makabagong henerasyon ay ang pag-usbong din ng mga bagong bayani: ang mga frontliners at healthworkers, OFWs, mga guro, mga magsasaka, environmental defenders, at mga indibidwal na patuloy na nagpapaigting ng katarungan at kalayaan ng bansa. Ang pagkilala sa mga bagong bayani ng bansa ay isang pagpupugay at laban upang maisaayos ang bulok na sistemang inginungodngod sa atin ng administrasyon.

Magsilbing paalala rin sa atin ang araw na ito na ang kalayaang tinatamasa natin ngayon bilang isang bansa ay ipinaglaban ng dugo, pawis at luha ng ating magigiting na bayaning Pilipino kung kaya’t hindi dapat magpasakop sa isang huwad na kalayaan. Bilang mga Pilipino marapat lang na patuloy nating isulong ang mga laban para sa karapatan, makibaka para sa pagtatanggol ng sariling lupain, at tumindig para sa kapakanan ng kapwa Pilipino upang tunay na mapagpugayan ang mga dati at bagong bayani ng bansa.

#NationalHeroesDay
#ModernDayHeroes

Source(s):
Why do we celebrate national heroes’ day? (2018, August 28). Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2018/08/29/why-do-we-celebrate-national-heroes-day/

bottom of page