Mga Tagapagtanggol ng Karapatan Palitawin, Palayain
Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council hinggil sa pagkawala nina Dexter Capuyan, Gene Roz De Jesus, at iba pang mga tagapagtanggol ng karapatan
Kaliwa’t kanan ang panghuhuli at pagdakip ng mga awtoridad sa mga aktibista, lider-estudyante, at mga tagapagtanggol ng karapatan at pawang mga walang imik sa kung ano ang rason upang gawin nila ito.
Gabi ng Ika-28 ng Abril mula nang mawala ang mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga pambansang minorya na sina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil “Bazoo” de Jesus sa Taytay, Rizal at hindi pa rin natatagpuan o lumilitaw ang mga ito matapos ang isang buwan. Patuloy ang ating panawagan sa administrasyon na ilitaw ang mga tagapagsulong ng karapatan na ito at panagutin ang mga awtoridad sa kanilang mga walang batayang panghuhuli.
Kinuha at dinakip diumano sina Dexter at Bazoo ng mga lalaking nagpakilalang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng pulisya gamit ang tatlong sasakyan ayon sa IP rights advocate na si Beverly Longid. Si de Jesus ay nagsilbing dating tagapangulo ng Council of Leaders sa UP Baguio at naging Regional Convenor ng National Union of Students of the Philippines, samantalang nagsilbi naman bilang dating Editor-in-Chief ng UPB Outcrop si Capuyan.
Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., ika-pito at ika-walong taong biglaang nawala sina Capuyan at Bazoo samantalang sunod-sunod naman ang panghuhuli sa iba pang mga human rights defender. Kabilang dito ang Mansalay 2 na sina Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado, matapos na iligal na hulihin sa Oriental Mindoro at pahirapan ang komunikasyon sa kanilang pamilya't mga abogado. Dagdag pa rito ang dalawang peasant at youth organizers na sina Patricia Cierva at Cedrick Casano na dinakip diumano ng mga miyembro ng 501st Infantry Batallion nito lamang May 18 sa Baranggay Cabiraoan, Gonzaga, Cagayan.
Patunay lamang ito na walang solusyon ang administrasyon sa mga panawagan ng mga nagsusulong ng karapatan ngunit merong aksiyon sa patuloy na pagpapatahimik sa mga lumalaban sa mga inhustisya sa bansa.
Kaisa ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agroindustriya, buo at nakikiisang nananawagan tayo upang palayain at palitawin ang mga human rights defender tulad nina Capuyan, Bazoo, Lizada, Aumentado, Cierva, at Casano gayundin ng iba pang mga tagapagsulong ng karapatan na tunay na nagtataguyod para sa mas magandang kinabukasan ng mga minorya.
#SurfaceAllDesaparecidos
#SurfaceDexterAndBazoo
#SurfaceCedrickAndPatricia
#FreeArnulfoAumentado
#FreeMaryJoyceLizada