MABUHAY ANG DUGONG PALABAN AT MAKABAYAN
Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council sa Paggunita ng ika-159 na Taong Kapanganakan ni Andres Bonifacio
Ngayong ika-30 ng Nobyembre ipinagdiriwang natin ang ika-159 na taong anibersaryo ng kapanangakan ni Andres Bonifacio, kung kaya't kaisa ang Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal, ginugunita rin natin ang pagkakaroon ng dugong palaban at pagiging makabayan ni Bonifacio sa paglaban para sa karapatan at kasarinlan ng ating bansa na sumasalamin pa rin sa mga pakikibaka natin hanggang sa kasalukuyan.
Sa nakalipas na mga taon walang-patid ang pagyurak ng administrasyon at ng bulok na sistema sa ating mga panawagan para sa isang pantay na karapatan ng mga mamamayan ng bansa. Kaugnay nito ay patuloy rin ang pakikibaka ng mga ordinaryong Pilipino upang matamasa ang inaasam-asam na tunay na kasarinlan at hindi pawang huwad na kalayaan.
Ngayong nakararanas ng matinding krisis ang bansa sa ekonomiya, agrikultura, edukasyon, at kasabay ng kabi-kabilang pagyurak sa ating mga karapatang pantao, marapat lamang na tayo’y tumindig, makiisa, at makibaka upang sa gayon ay tunay nating maisabuhay ang dugong palaban at makabayan na ipinakita ni Andres Bonifacio.
ANG TAO, ANG BAYAN! NGAYON AY LUMALABAN!
#Bonifacio159
#SahodItaasPresyoIbaba