Huwad ang Kaunlaran sa Pagpapatuloy ng Huwad na Kalayaan
Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council hinggil sa pagpapatuloy ng ika-125 na taon ng Huwad na Kalayaan
Huwad ang 125 na taong kalayaan ng Pilipinas dahil sa patuloy na pagpapairal ng dayuhang kontrol sa ating pulitika, ekonomiya, militar, at kultura. Isa sa manipestasyon ng pagiging huwad ng kalayaan ay ang huwad na kaunlaran sa anyo ng Build, Build, Build (BBB) at Build Better More (BBM). Ang programang pang-imprastraktura ng nagdaan at kasalukuyang administrasyon ay umangkat ng trilyon-trilyong utang mula sa mga dayuhang bangko gaya ng World Bank, Asian Development Bank, at grants mula mismo sa mga imperyalistang bansa gaya ng U.S. at China. Dahil sa mga utang na ito ay napipilitan ang Pilipinas na baguhin ang polisiya nito hinggil sa politika, ekonomiya, militar at edukasyon upang makabayad lamang sa utang na sa malawakang kurapsyon din naman napupunta.
Nariyan ang mga huwad na polisiyang ginagamit katulad ng charter change, Maharlika Investment Fund, pekeng reporma sa lupa, at napakaraming military exercises sa ilalim ng marahas na rehimeng Marcos-Duterte. Itong mga pang-aabuso at panlilinlang na sumisira sa tunay na kasarinlan ng ating bansa ay kailangan nating tuligsain at labanan upang makamit ang totoong kaunlaran ng lahat ng Pilipino.
Dagdag pa, pinagpapatuloy ng pagpapakatuta ng tambalang Marcos-Duterte sa U.S. at China ang paglisan ng mga inhinyero patungo sa ibang bansa dahil sa kakulangan ng nakabubuhay na sahod. Ang pagtuturo ng “international standard” at hindi pagtugon sa krisis ng trabaho at sahod ay pagsasaayon ng administrasyon sa kagustuhan ng dayuhan na manatili tayong labor exporters na dahilan upang mabansot ang kaunlaran ng Pilipinas dahil sa mga kakulangan ng nurses, doktor, siyentista, at mga inhinyerong magsisilbi sa bayan.
Sa harap ng mga hamon na ito, ang Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang pang-Agro-Industriya ay tumitindig at lumaban nang buong lakas upang igiit ang pagkamit ng ating pambansang demokrasya at soberanya. Kung kaya naman kasama dapat ang malawak na hanay ng mga mag-aaral sa laban upang palakasin ang hanay ng mamamayang Pilipinong lumalaban sa imperyalismo.
Lansagin ang mga tanikalang dulot ng imperyalismo sa inhinyera’t kaunlaran, mga Inhinyero ng Bayan!
#HuwadNaKalayaan
#IndependenceDay2023
#MarcosDuterteItakwil
#MarcosDuterteDiktadorTuta
#ImperyalismoIbagsak