top of page

HUSTISYA PARA SA MGA DESAPARECIDOS

OPISYAL NA PAHAYAG NG CEAT STUDENT COUNCIL HINGGIL SA PAGGUNITA PARA SA PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA DESAPARECIDOS

HUSTISYA PARA SA MGA DESAPARECIDOS

Sa loob ng 50 taon libo-libong mamamayan ang tinaguriang desaparecidos at hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik at halos wala pa ring balita sa mga ito. Ngayong araw, kaisa ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal, ay patuloy tayong nanawagan para sa hustisya at panagutin ang mga may sala para sa mga naging biktima ng sapilitang pagkawala.

Itinatag ng UN ang International Day of the Desaparecidos noong 2010 sa mungkahi ng Latin American Federation of Associations of Prisoners' Families (FEDEFAM) at iba pang asosasyon para isulong ang karapatang pantao at upang alalahanin ang lahat ng mga taong nawala mula noon hanggang ngayon. Ang sapilitang pagkawala para sa pulitika o panlipunang mga kadahilanan ay isang krimen laban sa sangkatauhan. Simula sa rehimeng Marcos sa ilalim ng Martial Law umigting ang mga kaso ng pagkawala at hanggang ngayon ay hindi pa rin matunton at nabibigyang linaw ang mga tinaguriang desaparecidos.

Sa mga nagdaang taon lalo’t higit sa ilalim ng administrasyong Duterte mas lumala ang mga kaso ng desaparecidos at nanaig ang kamay na bakal ni Duterte. Dalawang taon makalipas ang pagpasa ng Anti Terror Bill na ngayo’y batas na, matatandaang nagbigay pahayag ng pangamba ang dating si Erlinda Cadapan, tagapangulo ng Desaparecidos na ang anak na si Sherlyn ay nawawala mula noong Hunyo 26, 2006, na ang bagong nilagdaang Anti-Terrorism Act ay magsisilbing isang matabang lupa para sa mas maraming kaso ng sapilitang pagkawala. Hindi maipagkakailang ang mga nasambit ni Cadapan ay totoo sapagkat hanggang ngayo’y kinakapa pa rin ang hustisya para sa mga biktima ng bulok na termino ng administrasyong Duterte.

Mula noon hanggang ngayon pangunahing puntirya at ang mga nagiging biktima ng sapilitang pagkawala ay ang mga mga estudyante at iba pang lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon, aktibistang pulitikal, mga lider ng militanteng unyon, at mga organisador ng mga magsasaka at komunidad.

Sobra na ang tahasang pambababoy ng mga nagdaang administrasyon sa Konstitusyon ng Pilipinas sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sapilitang pagkawala. Nakasaad sa Bill of Rights Seksiyon 1 ng Artikulo III ay walang sinuman ang maaaring tanggihan ng pantay na proteksyon ng batas o pagkaitan ng kanilang buhay, kalayaan, o ari-arian nang hindi muna nakakatanggap ng angkop na proseso. Ang karapatang mabuhay ay kinikilala sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and Humanitarian Law (CARHRIHL), na nilagdaan noong 1998 ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ito ay partikular na totoo pagdating sa pagsagip, sapilitang pagkawala, patayan, at walang pinipiling pambobomba sa komunidad.

Ngayon, sa ilalim ng tambalang Marcos at Duterte, nakapangingilabot ang patuloy na paglaganap ng mga kasong may kinalaman sa sapilitang pagkawala. Tila ang administrasyong ito ay nagpapakasasa sa salapi ng taumbayan at wala ni isang tugon sa mga lumalaganap na krimen sa bansa. Kaibigan, hindi ka ba natatakot? Hindi ka ba nababahala, na ang iyong ibinoto ay tahimik sa mga panahong ito? Ilan pa’ng buhay ang kikitilin at patatahimikin bago magbigay tugon ang administrasyong ito? Sawa na tayo sa mga nagdaang administrasyon sapagkat paulit-ulit lamang ang nagiging senaryo sa mga nagdaang termino, ang kawalan ng pananagutan at responsibilidad.

Ngayong araw na ito ay araw ng matinding panawagan sa mga bago at nagdaang administrasyon na tumugon, bigyang linaw, at iparamdam ang hustisya para sa mga naging biktima ng sapilitang pagkawala. Ngayon, higit kailanman, tayo’y tumindig hindi lamang para sa mga biktima ng mga nawala at hindi na bumalik, tumindig tayo para sa ating sarili, huwag na nating hintaying madagdagan ba ang mga biktima ng pangungulila na umaasang may babalik pa.

Pauwiin niyo sa amin ang hustisya.

#ArawNgSapilitangPagkawala
#HustisyaParaSaMgaDesaparecidos
#MarcosDutertePanagutin

Sources:

AUGUST 30th – International Desaparecidos day – Sisters of Our Lady of charity of the good shepherd. (2020, August 30). Sisters of Our Lady of Charity of the Good Shepherd – Italia-Malta. https://www.missiongoodshepherd.org/2_home.php/2020/08/30/august-30th-international-desaparecidos-day/

The desaparecidos of Duterte’s drug war. (2022, April 15). RAPPLER. https://www.rappler.com/newsbreak/investigative/desaparecidos-disappeared-persons-duterte-drug-war-victims/

Verafiles. (2022, March 17). The Desaparecidos; Disappeared but not forgotten. VERA Files. https://verafiles.org/articles/desaparecidos-disappeared-not-forgotten

‘No justice under Duterte’ – Kin of desaparecidos. (2017, November 2). Bulatlat. https://www.bulatlat.com/2017/11/02/no-justice-duterte-kin-desaparecidos/

bottom of page