Hustisya Para sa mga Biktima ng Pasistang Estado! Singilin ang Inutang na Dugo ng Pasistang Rehimen!
Opisyal na Pahayag ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriya sa Paggunita ng Ikatlong Taong Anibersaryo ng Bloody Sunday Massacre
Ngayong araw, ating ginugunita ang ikatlong taong anibersaryo ng pagkamartir ng siyam na mga lider-aktibista at ang pag-aresto sa pito pang mga aktibista nang walang batayan. Tatlong taon na ang nakalilipas ngunit nanatiling walang hustisya at bagkus, lumalala pa ang pamamasista ng pwersa ng estado.
Kung kaya’t mariing kinukundena ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriya, kasama ang mga Inhinyero ng Bayan, ang kalapastanganan at mga inhustisyang idinulot ng mga rehimeng Duterte at ngayo’y Marcos-Duterte naman. Nakikita natin na wala pa ring pagbabago ang sistema ng hustisya sa ating bansa lalo’t higit, ang pamamalakad ng mismong namumuno sa estado.
Kamakailan lamang sa UPLB at sa CEAT mismo, nagkaroon ng mga red-tagging seminars sa tabing ng National Security Awareness na pinangunahan ng isang retiradong opisyal ng militar na nagpanood ng recorded video sa mga klase ng National Service Training Program (NSTP) ngunit hindi na ito bago sa atin. Noong nakaraang semestre ay nagkaroon ng de-facto Mandatory ROTC sa mga bagong Iskolar ng Bayan at pati na rin sa mga bagong Inhinyero ng Bayan na nagpapakita ng lantarang paglabag sa NSTP Law na nagsasaad na ang kahit na sino man ay may kalayaan mamili ng sangay ng NSTP na tatahakin. Napagtagumpayan na mapatanggal ito sa mga klase ng mga mag-aaral na naapektuhan at nakahingi ang konseho ng pangako mula sa opisina ng NSTP na hindi na ito mauulit ngunit muli itong nangyari ngayong nakaraang linggo.
Bukod pa rito, tuluyan nang pinasa ng Laguna Peace and Order Council (LPOC) ang iniraratsadang resolusyon ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) na may layuning malayang makapanghimasok ang mga p’wersang militar sa mga pamantasan ng Laguna, kung saan kabilang ang UPLB, at makapag-kondukta ng mga National Awareness Seminars na ngayon pa lamang ay nagpapakita na ng malaking pagyurak sa kalayaang pang-akademiko ng mga mag-aaral pati sa karapatan ng mga kabataan sa pagpapahayag ng mga reklamo at saloobin.
Kaya sa paggunita natin sa madugo at ‘di makatarungan na pagpaslang sa siyam na lider-aktibista, atin din patuloy na singilin ang inhustisya at dugong inutang ng pasistang rehimen. Patuloy natin ipaglaban ang ating karapatan sa pagpapahayag at sumama sa malawak na hanay ng sambayanan.
HUSTISYA PARA SA MGA BIKTIMA NG BLOODY SUNDAY MASSACRE! IBASURA ANG MGA GAWA-GAWANG KASO LABAN SA MGA LIDER-AKTIBISTA! PANAGUTIN ANG NTF-ELCAC, PNP, AT AFP SA KANILANG KRIMEN SA MAMAMAYAN! MAKIBAKA PARA HUSTISYA AT KAPAYAPAAN!
#NeverForgetBloodySunday
#DefendSouthernTagalog
#AFPPNPPanagutin
#NTFELCACBuwagin