top of page

Hustisya para sa mga Biktima ng Pasistang Estado

Opisyal na pahayag ng CEAT Student Council hinggil sa paggunita ng ika-40 na Anibersaryo ng Pagkamatay ni Ninoy Aquino

Hustisya para sa mga Biktima ng Pasistang Estado

Ang walang basehang pagpapakulong at pagpatay kay Benigno “Ninoy” Aquino Jr., isang kilalang oposisyon ng rehimeng Marcos Sr., ay patunay sa kasahulan ng diktadurang Marcos. Ngunit sa 40 taong nakalipas, ganito pa rin ang dinaranas ng mga kritiko, aktibista, at mga oposisyon sa kahit na sinong administrasyon na nagdaan.

Sa katunayan, tinatalang mayroong 778 bilanggong pulitikal ang mayroon sa Pilipinas at 49 sa mga ito ay nakulong mula nang maupo si Bongbong Marcos. Dagdag pa rito, 15 mga progresibong indibidwal, kabilang ang isang estudyante mula UPLB na si Kenneth Rementilla, na ang inirereklamong lumalabag sa mapanupil na batas na Anti-Terror Law sa Timog Katagalugan simula nang ito ay maisabatas noong 2020 sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa 40 taong nakalipas, ating mahihinuha na patuloy ang pagtindi ng krisis pulitikal ng bansa na itinatago sa bandera ng isang huwad na kalayaan.

Kaya naman ngayong araw, nakikiisa ang Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriya sa malawak na hanay ng mamamayang lumalaban para sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitkal, pagpapalitaw sa mga desaparasidos, at pagsingil sa mga inutang na dugo ng pasistang estado. Tayong mga inhinyero ng bayan ay may malaking papel sa tunay na kaunlaran sa imprastraktura at teknolohiya ngunit makakamit lamang ito sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa porma ng paggigiit ng katarungan.

#NeverAgain
#NeverForget
#DefendTheDefenders
#DefendSouthernTagalog
#JunkTerrorLaw

bottom of page