Hustisya para sa mga Biktima ng Mendiola Massacre
[OPISYAL NA PAHAYAG NG CEAT STUDENT COUNCIL HINGGIL SA IKA-36 TAONG ANIBERSARYO NG MENDIOLA MASSACRE]
TW: Death, Violence, Massacre
Tatlumupu’t anim na taon na ang nakalipas sa parehong araw na ito nang ang mapayapa sanang kilos-protesta para sa paglaban sa tunay na reporma sa lupa at disenteng sahod ng mga magsasaka at manggagawa ay napalitan ng madugong patayan na nagresulta sa pagkawala ng buhay ng 13 mga magsasaka. Sa tatlo’t kalhating dekadang nagdaan din ay wala pa ring hustisya sa mga naging biktima nito at tila wala pa ring usad sa noo’y mga ipinaglalabang panawagan para sa naturang karapatan.
Kaisa ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal, marubdob nating inaalala ang mahigit tatlong dekadang anibersaryo ng naganap na payapang mobilisasyon noon sa Mendiola Street na naging madugong dispersal na kumitil sa buhay ng 13 magsasaka, gayundin ay ang kasabay ng paggunita sa kabayanihan ng mga ito sa buwis-buhay nilang paglaban sa pantay na pamamahagi ng lupa at disenteng sahod.
Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP) at ng dating pambansang pangulo nito na si Jaime Tadeo, nagsimula ang mga magsasaka sa kanilang pagkakampo sa noon ay Ministri ng Repormang Pansakahan noong Enero 15, 1987. Noong Enero 20, nakipagpulong kay Tadeo ang noo'y ministro ng repormang agraryo na si Heherson Alvarez at nangakong ihaharap ang kanilang mga problema at kahilingan sa Pangulo sa kanilang nakatakdang pulong ng Gabinete noong Enero 21. Noong Enero 21, tumindi ang tensyon habang hinaharang ng mga nagpoprotesta ang lugar ng Department of Agriculture na pinipigilan ang mga empleyado na makapasok sa gusali.
Noong Enero 22, 1987, libu-libong magsasaka ang nagmartsa patungo sa Malacañang, umaasang magkaroon ng diyalogo kay Pangulong Corazon C. Aquino, ngunit sa halip ay sinalubong sila ng karahasan. Sa gitna ng kilos-protesta, pinaputukan ng pwersa ng gobyerno ang 10,000 hanggang 15,000 manggagawang bukid at magsasaka na humihiling at nananawagan lamang para sa kanilang karapatan.
Sa noo’y inilunsad na mobilisasyon ang hinihiling lamang ng mga pesanteng nakibaka ay tanging mabigyan ng libreng lupa ang mga magsasaka, zero retention ng mga lupain ng mga panginoong maylupa, at ang panawagang itigil ang amortisasyon.
Taon at dekada na ang lumipas ay wala pa ring pagbabago at usad ang mga panawagan ng mga pesante sa panahon ngayon, daing pa rin nila ang mababang pasahod sa mga manggagawa sa kabila ng nagtataaasang presyo ng bilihin, kawalan ng karapatan sa mga binubungkal na lupain, at kakulangan ng suporta sa sektor ng agrikultura.
Sa patuloy na pagtaas ng implasyon sa bansa na nagdudulot ng paglobo sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan, pawang mga magsasaka ang lubhang naaapektuhan. Mga magsasaka na hirap pa sa pagbubungkal sa sarili nilang lupa sapagkat patuloy ang pangangamkam ng mga may kapangyarihan at patuloy na nagbibingibingihan ang mga nasa puwesto.
Itinuturing ngang mga bayani ang mga magsasaka nating kababayan ngunit tila kakaramput na pansin lamang ang itinutuon sa kanila ng administrasyon, kung kaya’t bilang mga susunod na inhinyero ng bansa malaking bagay ang ating kolektibong gampanin sa pakikiisa sa kanilang mga panawagan. Patuloy nating ipaglaban ang pagsulong ng Genuine Agrarian Reform na naglalayong mabigyan ng libreng lupain ang ating mga magsasaka kasabay ng panawagang presyo ibaba, sahod itaas!
#TunayNaRepormaSaLupa
#LandToTheTillers
#HustisyaSaBiktimaNgMendiola