top of page

Hustisya Para sa mga Biktima ng EJK! DUTERTE PANAGUTIN

OPISYAL NA PAHAYAG NG CEAT STUDENT COUNCIL HINGGIL SA IKA-LIMANG TAONG PAGKAMATAY NI KIAN DELOS SANTOS

Hustisya Para sa mga Biktima ng EJK! DUTERTE PANAGUTIN

Limang taon makalipas ang karumaldumal na pagpaslang sa 17 taong gulang na mag-aaral na si Kian Delos Santos, bagamat nahuli na ang tatlong pulis at nahatulan ng 40 taong pagkakakulong ay hindi pa rin sapat ang hustisya at hindi pa rin nananagot ang puno’t dulo at nasa likod ng war on drugs ng nagdaang administrasyon. Limang taon mula rin noon ay maninindigan at naninindigan pa rin ang Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal sa panawagang hustisya para sa mga biktima ng war on drugs.

Gabi ng ika-16 ng Agosto taong 2017, pinaslang si Kian Delos Santos sa noo’y isinagawang Oplan Galugad Operation sa Caloocan CIty. Ayon sa naratibo ng mga kapulisan partikular na nina PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz, at PO1 Jeremias Pereda, naunang nagpaputok ng baril si Kian na naging dahilan upang paputukan din ng mga pulis na nagsasagawa ng operasyon ang binata. Pinabulaanan naman noon ng mga kamag-anak ang natagpuang quarent y cinco na baril at dalawang sachet na pinaghihinalaang shabu na narecover ayon sa mga pulis.

Ika-18 ng Agosto lumutang ang CCTV footage sa naganap na operasyon ng kapulisan at taliwas sa sinasabing nanlaban at sinubukang tumakas na sinasabi ng mga pulis ang nakita sa footage. Ayon din sa saksi ng pangyayari ay nasa sahig at nagmamakaawa umano si Kian sa kanyang buhay bago ang sunod-sunod na putok ng baril. Tinuldukan ang inosenteng buhay ng walang kalaban-laban.

Sa pagharap natin sa bagong administrasyon at sa nakalipas na limang taon, buhay na buhay pa rin ang mga alaala sa kawalanghiyaan ng administrasyong Duterte at ang pinasimunuuang Gyera kontra Droga. Si Kian ay isa lamang sa daan-daang inosenteng buhay na tinuldukan ng hindi makataong programa ng nakaraang administrasyon. Nagdulot din ng takot sa mga mamamayan ang walang habas na pagpatay ng sangkapulisan sapagkat kung sino pa ang dapat ay protektor ng batas ay sila pa ang kumikitil sa mga inosenteng buhay.

Ngayon, ika-16 ng Agosto ay tinagurian ding “National day of Remembrance” para sa lahat ng mga biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administaryong Duterte. Huwag nating ibaon sa limot at patuloy nating ipanawagan na panagutin ang pasimuno ng War on Drugs. Nananawagan din tayo para sa hustisyang nararapat sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at extra-judicial killings.

Ang estado, una sa lahat, ay dapat maging tagapagtanggol ng mga mamamayan nito at marapat lang na tandaan iyon ng gobyerno.

#JusticeForKianDelosSantos
#JusticeForEJKVictims
#DuteretePanagutin

bottom of page