top of page

HUSTISYA PARA KAY KRISTEL TEJADA NA PINASLANG NG BULOK NA SISTEMA NG EDUKASYON

Opisyal na pahayag ng CEAT Student Council sa pag-alala sa ika-10 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Kristel Tejada

HUSTISYA PARA KAY KRISTEL TEJADA NA PINASLANG NG BULOK NA SISTEMA NG EDUKASYON

TW: Mentions of Suicide and Death

HUSTISYA PARA KAY KRISTEL TEJADA NA PINASLANG NG BULOK NA SISTEMA NG EDUKASYON

Opisyal na pahayag ng CEAT Student Council sa pag-alala sa ika-10 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Kristel Tejada

Isang dekada na ang nakalipas nang kitilin ng bulok na sistema ng edukasyon ang mga pangarap at buhay ni Kristel Tejada, isang mag-aaral ng Behavioral Sciences sa UP Manila. Matapos hindi mabayaran nang buo ang kanyang matrikula, siya ay napilitang maghain ng Leave of Absence (LOA) kasabay ng pagsasauli ng kanyang student ID. Sa panahong ito, mayroong “no late payment” policy ang UP Manila, kung saan ang mga hindi nakapagbayad ng matrikula sa itinakdang araw ay tatanggalin sa listahan ng mga klase.

Isang dekada na rin ang nakalipas ngunit tila mailap ang hustisya sa pamilya ni Kristel sapagkat umiiral pa rin ang isang neoliberal at komersyalisadong porma ng edukasyon sa bansa, bagay na humaharang sa pangarap ng mga kabataan upang makapag-aral. Sa kabila ng iba’t ibang pagtatangkang reporma sa edukasyon ng bansa katulad ng pagpapatupad ng ‘Free Tuition Law’, nanatiling mahirap para sa marami ang makatanggap ng dekalidad na edukasyon dulot ng nagtataasang presyo ng iba’t ibang pangangailangan ng isang mag-aaral. Sa mga katulad ni Kristel, edukasyon ang kanilang susi upang mapabuti ang kanilang kalagayan sa buhay at ang mga polisiyang humahadlang sa karapatan ng mga mahihirap na makapag-aral ay sumasalamin kung para kanino ba ang ating porma ng edukasyon — malinaw na hindi para sa masa.

Kasama ang CEAT Student Council sa pagsingil ng hustisya para sa sinapit ni Kristel at ng mga kagaya niya na naging biktima ng bulok na sistema ng edukasyon sa ating bansa. Kasabay ng ating patuloy na pagpapanawagan sa isang ligtas, libre, dekalidad, at abot-kayang edukasyon, ay ang patuloy ring panawagang labanan ang pamamasista ng estado sa mga pamantasan. Imbis na bigyan ng prayoridad ang pagtugon sa sandamakmak na isyu sa edukasyon gaya ng budget cuts sa mga state universities and colleges na nagdudulot ng kakulangan sa mga pasilidad, slots sa mga kurso, at mababang pasahod sa mga instruktor, nauna pang iratsada sa kongreso ang militarisasyon ng mga unibersidad sa anyo ng Mandatory ROTC. Bilang mga iskolar ng bayan, marapat nating pangunahan ang pagtindig at pagsama sa hanay ng mga mag-aaral na isulong ang isang makabayan, siyentipiko, at makamasang porma ng edukasyon at pagpapaigting ng batayang serbisyong pang-estudyante.

#HustisyaParaKayKristelTejada
#NoStudentLeftBehind
#EducationIsARight

bottom of page