top of page

HUSTISYA PARA KAY INENG AT TATAY MAXIMINO

OPISYAL NA PAHAYAG NA CEAT STUDENT COUNCIL HINGGIL SA PEKENG ENGKWENTRO NG MILITAR SA ILANG MGA LUGAR SA BATANGAS

Trigger Warning: Violence/Death

HUSTISYA PARA KAY INENG AT TATAY MAXIMINO

Mariing kinokondena ng College of Engineering and Agro Industrial Technology Student Council ang marahas na pag-atake ng 59th Infantry Battalion Philippine Army (IBPA) sa naganap na pekeng “engkwentro” sa pagdakip sa isa umanong miyembro ng New People's Army (NPA) sa Calaca, Batangas na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang inosenteng buhay.

Dalawang araw matapos idaos ang unang State of the Nation Address, tila pipi si Marcos sa mga isyu ukol sa paglapastangan sa karapatang pantao. Iniwasan at ipinasawalang bahala ang mga paglabag na ito sapagkat mulat siya sa kanilang administrasyon sa mga atrosidad laban sa masa lalo't higit sa mga militarisadong lugar. Dagdag pa rito, walang salitang narinig mula kay Marcos sa pagkakaroon ng peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at CPP-NPA-NDF na mainam sanang maisulong ng administrasyon.

Ngayon, nagsimula na naman ang gawa-gawang engkwentro ng militar upang masugpo umano ang karahasan ng NPA ngunit ayon sa imbestigasyon ng mga human rights group at mismong kaanak ng mga biktima na pawang kasinungalingan lamang ang mga paratang na ito.

Isang siyam na taong gulang na batang babae (Ineng) ang napatay sa Brgy. Guinhawa, Taysan, Batangas, kung saan may engkwentro umano ang 59th IBPA sa pagitan ng militar at NPA. Gayunpaman, ayon sa Mothers and Children for the Protection of Human Rights (MCPHR), itinanggi ng mga residente ng bayan ang anumang sigalot na lumitaw sa lugar, na lalong kumuwestiyon sa mga pahayag ng 59th IBPA hinggil sa dalawang engkwentro na ginamit nila para bigyang-katwiran ang pagkamatay ng biktima sa pamamagitan ng ligaw na bala. Nilinaw rin ng mga residente at maging ng Alkalde ng bayan na iisa lang ang engkuwentro na tumagal ng 3-5 minuto, at dalawang putok lamang ng baril ang narinig. Ang batang babae, na kasama ng kanyang ama nang mangyari ang aksidente, ay namatay bago nila ito madala sa ospital.

Kahapon, ika-28 ng Hulyo ng sadyain ng Humanitarian team ang pamilya ng batang biktima sa Brgy. San Marcelino, Taysan, Batangas ay bumungad sa kanila ang mga miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na nakabantay at hindi magkamayaw sa pagkuha ng litrato at voice message recording. Ayon sa mga kaanak ay tila walang respeto sa patay ang presensiya ng militar at kasundaluhan habang dala-dala ang mga mahahabang armas na nagdulot upang hindi maging komportable ang pamilya ng biktima sa naganap na komosyon ng kasundaluhan.

Katulad nito, si Maximino Digno, isang magsasaka mula sa Calaca, ay brutal ding namatay sa kamay ng 59th IBPA habang inangkin nila ang isa pang pekeng engkwentro sa BHB at idineklara na napatay nila ang isa sa mga miyembro nito. Iniulat ng mga residente na natagpuang patay ang magsasaka habang papunta sa kanyang lupain na matatagpuan sa Barangay Cahil, Calaca, Batangas.

Hindi ito ang unang beses na nakaranas ng paniniil ang mga mamamayan sa nasabing lugar. Matatandaang Enero ng taong 2022 ng simulang bantayan ng 59th IBPA ang mga lugar sa Batangas at mula noon ay patuloy ang mga nagaganap na karahasan at akusasyon sa mga residente bilang mga miyembro ng NPA. Pawang mga pagbabanta na kakasuhan ang mga residente ng Anti-Terror Law para takutin at itaboy sa bayan. Dagdag pa rito, pwersahan ang paglikas ng mga tao dahil sa walang habas na pagpapaputok ng militar. Ayon sa Tanggol Batangan, ang bayan ng Lobo ay nakatakdang maging site ng isang geothermal powerplant na magpapaliwanag sa mas mataas na militarisasyon na nararanasan ng bayan.

Kung sino pa ang protektor ng batas ay sila pa ang naghahasik ng kasamaan at nagdudulot ng takot sa mga sa mga inosenteng sibilyan at mamamayan. Walang puwang ang salitang tagapagtanggol kung karahasan ang idinudulot ng militarisasyon. Walang buhay ang dapat nakawin para sa pansariling interes ng may mga kapangyarihan. Malinaw na iniiwasan ng administrasyong Marcos ang mga isyu ukol sa karapatang pantao sapagkat maliwanag na nakikinabang ang kanyang mga alagad sa pagkakait ng karapatan sa mga Pilipino.

Tumitindig ang CEAT SC kasama ng mga biktima at kanilang pamilya sa panawagan na magkaroon ng hustisya para sa lahat ng buhay na sapilitang tinuldukan.

Kailanman ay hindi matatamasa ang kapayapaan sa paggamit ng karahasan.

#HustisyaParaKayIneng
#HustisyaParaKayTatayMaximino
#StopTheAttacks
#DefendSouthernTagalog

bottom of page