HANDS OFF JPEG GARCIA! 59TH IBPA, PANAGUTIN
OPISYAL NA PAHAYAG NG CEAT STUDENT COUNCIL HINGGIL SA PAGDADAWIT NG 59TH IBPA KAY JPEG GARCIA SA ISANG REKLAMO NG ANTI-TERRORISM ACT OF 2020
Pinagpapatuloy ng 59th Infantry Batallion of the Philippine Army (IBPA) ang kanilang desperadong hakbang upang pagtakpan ang kanilang pagpatay sa siyam na taong gulang na si Kyllene Casao at sa magsasakang si Maximino Digno sa anyo ng terror-tagging sa mga human rights defender na naglantad ng kasahulan ng 59th IBPA. Nauna nang sinampahan ng gawa-gawang reklamong paglabag sa Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 sina Jasmin Rubia, Hailey Pecayo, at si Kenneth Rementilla na isang mag-aaral mula UPLB. Ngayon naman ay binabanggit ni Sgt. Jean Claude E. Bajaro mula sa 59th IBPA na ang UP Student Regent 3rd Nominee mula UPLB na si John Peter Angelo “Jpeg” Garcia ay nagkaroon ng “Tour of Duty” sa kampo ng New People’s Army (NPA) noong 2021.
Ang ganitong mga bwelta ng mga pwersa ng estado ay may layuning magpunla ng takot sa ating mga human rights defender tulad ni Jpeg Garcia. Ginagamit ng estado ang ATA, ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ang AFP at PNP upang patuloy na manatili sa kapangyarihan at supilin ang mga progresibong indibidwal na nakikibaka upang baguhin ang sistemang pahirap. Sa katunayan, si Jpeg Garcia na ang ika-19 na idinadawit sa paglabag ng ATA sa rehiyon ng Timog Katagalugan.
Kung kaya naman mariing kinukundena ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Indusriya ang ganitong taktika ng estado. Tumitindig ang Konseho sa pagbabasura ng mga gawa-gawang reklamo laban sa mga progresibo alinsabay sa pagbabasura sa Anti-Terrorism Act of 2020 pati na rin sa NTF-ELCAC. Inuudyok din ng Konseho na tugunan ng administrasyong Marcos-Duterte ang totoong ugat ng digmaang sibil sa Pilipinas na mga pang-ekonomiko at pulitikal na mga suliranin sa lupa, sahod, trabaho, edukasyon, at ibang pang mga serbisyong dapat natatamasa ng mga Pilipino.
Ngayon, kailangan natin pagkaisahin ang ating pwersa mula sa mga mag-aaral hanggang sa administrayon ng UPLB upang maging kolektibo na magsisilbing mga tagapagtanggol ng kalayaan mula sa iba’t ibang atake ng estado. Magkasama tayong magtatagumpay, para sa katarungan, katotohanan, at pagtatanggol sa ating mga karapatan!
TUTULAN ANG KARAHASAN NG ESTADO!
HANDS OFF OUR ACTIVISTS!
#HandsOffOurActivists
#DefendTheDefenders
#JunkTerrorLaw