top of page

CEAT para sa Manggagawa!

Opisyal na Pahayag ng UPLB CEAT SC Ukol sa Ika-118 ng Pandaigdigang Araw ng Manggagawa

CEAT para sa Manggagawa!

Ngayong Mayo Uno ay ginugunita ang Pandaigdigang Araw ng Manggagawa kasabay ng hamong kinakaharap ng ating bansa ngayong darating na pambansang halalan —ang pananatili ng mga Duterte at panunumbalik ng tiranya ng mga Marcos. Sa anim na taon natin sa ilalim ng administrasyong Duterte, sunod-sunod ang pagpapahirap ng administrasyon sa ating mga manggagawa na nakararanas ng di makatarungang sweldo, kawalan ng trabaho, at maging ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na patunay lamang ng kanilang palpak at korap na pamumuno.

Sa kabila ng pandemya, mas nanaig pa ang kaliwa’t kanang pagpaslang sa mga grupo at lider-manggagawa na ang tanging ninanais ay ipaglaban at ipahayag ang kanilang karapatan at saloobin. Kaliwa’t kanan ang pagpaslang at pag-atake sa mga manggagawa sa ating bansa —mula sa pagpatay at pagaresto sa mga lider-manggagawa noong Bloody Sunday Massacre, na sinundan ng pagpaslang kay Dandy Miguel.

Bilang mga inhinyero ng bayan, hindi maihihiwalay ang ating papel sa mga isyu ng mga manggagawa. Tayo ay umaasa sa libo-libong manggagawa upang makapagtayo ng iba’t ibang imprastraktura at teknolohiya para sa bayan, kung kaya’t ang patuloy na pagpapahirap sa kanila ay isang malaking hakbang paatras sa kaunlaran. Higit pa rito, ang pangdudusta, pananakot, at pagkitil sa mga lider-manggagawa ay manipestasyon ng patuloy na pagtatakip ng administrasyon sa kanilang pagbigo sa karapatang manggagawa, pati na rin sa kanilang karapatang pantao. Mahalaga na tayong mga inhinyero ang nangunguna sa paglalaban sa mga karapatan ng mga manggagawang kadalasa’y nakakaligtaan at pinababayaan.

Ang Konseho ng Mag-aaral ng CEAT ay kaisa ng mga manggawa na ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Kami ay titindig kasama ng mga manggagawa sa laban na tapusin ang kontraktwalisasyon, pagkakaroon ng karampatang sahod at makataong oras ng paggawa, pagkaroon ng trabaho para sa lahat, at ang pagsulong ng karapatan nilang mag-organisa at magpahayag nang walang pag-atake at panliligalig mula sa ating administrayon.

Sa darating na pambansang eleksyon, tayo ay maghalal ng mga tao na uupo para tumindig kasama ng ating mga manggagawa. Suportahan natin ang mga kumakandidato na nangungunang ipaglaban ang karapatan ng mga manggawa tulad nina Elmer “Ka Bong” Labog at Sonny Matula. Samahan natin silang ipagtanggol ang mga unyon ng manggagawa sa paglaban na magkaroon ng national minimum wage, regular na trabaho, dagdag na pensyon, at sa pagbuwag ng NTF-ELCAC at pagbasura sa JIPCO na nangunguna sa panreredtag at pag-atake sa ating mga manggagawa.

Ngayong Mayo Uno, sa paggunita ng pandaigdigang araw ng mga manggagawa, ipakita nating mga inhinyero na sa pakikiisa natin sa mga manggagawa, hindi lamang mga tulay at gusali ang ating mabubuo, kundi tayo rin ang bubuo ng pundasyon ng isang gobyernong tapat na magsusulong ng makabayang pagbabagong aangat sa buhay ng lahat.

Inhinyero para sa Bayan!

CEAT para sa Manggagawa!

#WorldLaborDay
#MayoUno2022

bottom of page