Bullying At Hazing Hindi Dapat Bigyang Puwang Sa Lipunan
Opisyal Na Pahayag Ng Ceat Student Council Hinggil Sa Paggunita Sa Anti-Bullying At Anti-Hazing Act
Trigger Warning: Harrassment/Hazing/Bullying
Sa araw na ito, ginugunita natin ang dalawa sa mga batas na nagtataguyod sa karapatan at kaligtasan ng mga estudyante at indibidwal, ang RA 10627 o mas kilala bilang Anti-Bullying Act of 2013 at RA 11053 o Anti-Hazing Act of 2018. Kasabay nito ay ang patuloy na paninindigan ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal na walang puwang ang anumang uri ng bullying at hazing sa Kolehiyo. Samakatuwid ay mahigpit na kinokondena ng Konseho ang anumang uri ng pagmamalabis o Kupal Culture sa isang organisasyon, fraternity, at sorority sa Unibersidad.
Kamakailan lamang ay pumutok ang balita ukol sa di-umano’y insidente ng hazing sa isang kampus ng Unibersidad ng Pilipinas, na naunang kumalat sa pamamagitan ng mga larawan at video. Gayundin, matatandaang noong ika-9 ng Setyembre 2021 ng maibalitaang namatay ang isang Grade 10 student sa Negros Occidental dahil dito. Hindi lamang ito ang ilang beses na nagkaroon ng isyu sa hazing at bullying na nagtamo ng seryosong kapinsalaan sa indibidwal.
Sa muling paglaganap ng mga isyu ukol sa hazing at bullying ay hindi lamang panganib sa pisikal na karahasan ang naidudulot nito, maaari ring magdulot ito ng trauma, depression, at anxiety sa mga nakararanas ng pambubully. Hindi lang nalilimit dito ang masamang epekto ng bullying at hazing dahil maaari ring umabot ito sa pang-akademiko, pang-sosyal, at pampersonal na aspeto. Mariing kinokondena ng konseho ang pang-aabuso na sumasalot sa ating pamantasan at hindi tayo mag-aatubili na tawagan at bantayan ang mga pangmamaltratong ito.
Dapat nating alalahanin na hindi tayo tumitigil sa panawagan sa ating gobyerno at mga institusyon sa pagkondena ng anumang uri ng pang-aabuso. Sa atin magsisimula ang pagtuwid ng mga bulok na tradisyon upang walang estudyante ang matatakot sa pagsali sa mga organisasyon. Dagdag pa rito, ang pagtutol sa muling pagsasabatas ng mandatory ROTC sa mga pamantasan na pinapangambahang isa sa maaaring maging dahilan ng pag-usbong muli ng mga pisikal at mental na pang-aabuso sa mga mag-aaral.
Bilang mga iskolar ng bayan, hindi dapat nating hayaan ang mga power trippings at iba pang mga anyo ng abuso na nanggagaling sa bulok na sistema na maaaring magmula sa ating paaralan. Sa muling pagbabalik at patuloy na paglaban natin sa Ligtas na Balik Eskwela ay kasabay rin nito ang mga panawagan sa mga karahasang nagsisimula sa mga maliliit na lupon ng ating institusyon.
Sa oras na makaranas ng anumang uri ng karahasan mula sa grupo ng tao o indibidwal ay bukas ang Konseho at mga tanggapan ng Kolehiyo para agarang tugunan ang mga ganitong insidente. Kaisa ang CEAT SC ng mga biktima sa pagtindig laban sa bullying at hazing na nararanasan sa loob at labas ng paaralan.
Panatilihin nating ligtas ang bawat espasyo ng ating komunidad. Patuloy nating ipanawagan ang ligtas na espasyo laban sa pang-aabuso sa ating kolehiyo at unibersidad. Sa paggunita natin sa pagkakatatag ng mga batas na nagtataguyod sa ating kaligtasan at karapatan ay marapat lang na tayo ay makiisa na mapanatiling walang anumang uri ng karahasan sa loob at labas ng ating Kolehiyo!
#NotoKupalCulture
#NotoAllFormsofViolence