BOR Panagutin! Heed Our Calls, Jimenez
Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council hinggil sa resulta ng nangyaring UP Presidential Selection
Kahapon, ika-9 ng Disyembre, ginanap ang paghahalal sa bagong UP President kung saan ang dating ilehitimong Student Regent, at dating Regent appointee ng mga mapang-aping adminstrasyon na si Atty. Angelo A. Jimenez ang inihalal ng UP Board of Regents. Totoo na hindi ito ang ayaw ng komunidad ng UP na si Dr. Fernando Sanchez Jr. ngunit hindi rin ito ang gusto ng UP na si Dr. Fidel Nemenzo.
Matatandaan na si Jimenez ay may mga pinaninindigan na taliwas sa kagustuhan ng komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas na sa dapat ay pakinggan ng magiging sunod na presidente nito. Isa siya sa pabor sa kontraktwalisasyon ng mga nagtatrabaho sa unibersidad na pangunahing problema na kinakaharap sa kalakhan ng sektor ng mga manggagawa at kaguruan sa UP; pabor din siya sa pagkokomersyalisa ng lupain na suliranin naman ng vendor communities sa loob ng unibersidad; salungat din siya sa kagustuhang iimplementa ang full face-to-face learning, at ang baluktot din ang kan’yang pag-unawa sa institusyonalisasyon ng UP-DND Accord at ang mapanupil na Mandatory ROTC — tatlong isyung may direktang implikasyon sa kalayaang pang-akademiko at ekspresyon mula sa sektor ng mga mag-aaral.
Kung kaya naman kasama ang Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal ay kaisa sa pangangalampag sa BOR upang magpaliwanag kung bakit hindi nito dininig ang nagkakaisang multi-sektoral na boses ng UP. Kasama pa rito ay kaisa rin ang konseho sa paggigiit kay Jimenez ng makatwiran, makatarungan, at makataong resolusyon sa mga isyung nabanggit. Hindi papayag ang malawak na hanay ng mga mag-aaral, guro, kawani, at komunidad sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas na ang mga ito ay humantong na lamang sa pagbibingi-bingihan, pagbubulag-bulagan, at pangingibit balikat.
Inaanyayahan ng konseho ang iba’t ibang sektor ng ating pamantasan na ating irehistro ang ating mga panawagan kay Jimenez hindi lamang sa mga diyalogo kundi pati na rin sa mga militanteng aksyon labas sa mga silid-aralan at mga opisina kung tataliwas pa rin siya sa mga hinaing ng buong komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas.
Matagumpay man na hindi nagwagi si Sanchez ay hindi pa rin dito nagtatapos ang ating mga panawagan para sa mga maka-estudyante at maka-masang polisiya sa UP System. Patuloy ang panggigiit, patuloy ang pakikibaka ng buong Unibersidad ng Pilipinas!
#UPPrexy
#NoMoreChancesSanchez
#UPHeedOurCalls