top of page

ATIN ANG KALAYAAN! IPAGLABAN ANG KARAPATAN

Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council Hinggil sa Paggunita sa International Human Rights Day

ATIN ANG KALAYAAN! IPAGLABAN ANG KARAPATAN

Sa araw na ito, Kaisa ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal kasama ng bawat indibidwal at tagapagtaguyod ng karapatan, taas-kamaong ginugunita ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao na may temang “Dignidad, Kalayaan, at Katarungan para sa Lahat” na hinango mula sa ika-75 taong deklarasyon ng Pandaigdig na Pagpapahayag ng mga Karapatan ng Tao.

Mula noong 1948 na pinagtibay ang Universal Declaration of Human Rights (UDHR), mas maraming tao sa buong mundo ang nakilala at nagpoprotekta sa mga karapatang ito. Simula noon, ito ay nagsilbing pundasyon ng isang lumalagong sistema ng proteksyon para sa mga karapatang pantao na ngayon ay nagbibigay ng partikular na atensyon sa mga mahihinang populasyon tulad ng mga migrante, mga katutubo, at mga taong may kapansanan.

Gayunpaman, ang pangako ng UDHR na pagkakapantay-pantay sa mga karapatan at dignidad ay patuloy pa rin na nilalabag sa mga nakalipas na dekada lalo’t higit sa kasalukuyang administrasyon. Habang ang mga nasa kapangyarihan ay pinakikinabangan ang kaban ng taumbayan, tayong mga mamamayan ang patuloy na nagdurusa sa kanilang makasariling pamamalakad sa bansa. Dagdag pa rito ay sa kabila ng daan-daang kaso ng paglabag sa karapatang pantao, makupad ang pagbibigay ng hustisya para sa mga biktima dahil na rin sa mapurol na sistema sa pagtataguyod ng ating mga karapatan. Maaaring may ilang mga panawagan tayong naipanalo ngunit mas mabigat pa rin ang paniniil sa atin.

Bagama’t ginugunita natin ang ika-10 ng Disyembre upang ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao kailangan nating ipagtanggol at itaguyod ang karapatang pantao ARAW-ARAW dahil ang mga ito ay kaakibat ng buhay natin at patuloy na pakikibaka. Kaugnay rin nito, nakikiisa ang Konseho sa pagpapanawagan na ipaglaban ang ating mga karapatan para sa isang ligtas, abot-kaya, at dekalidad na edukasyon. Ngayong kumakaharap ang bansa sa samu’t saring krisis panlipunan, mas kinakailangan natin isulong ang pagkakaroon ng isang makabayan, siyentipiko, at makamasang uri ng edukasyon upang masigurong inklusibo ang ating pag-aaral at walang napag-iiwanan.

Ngayon, higit kailanman, dapat tayong magsama-sama at makiisa bilang isang bansa at buuin ang pinakamalawak na koalisyon ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao para sa kalayaan at dignidad ng lahat, at patuloy na itulak pabalik habang pinagtitibay natin ang ating pangako na ipaglaban ang mga karapatan ng mga tao laban sa lahat ng uri ng pag-atake at paniniil sa mamamayang Pilipino. Hindi tayo magkukupurmiso sa kakaramput na tugon ng gobyerno sa mga paglabag sa ating karapatan. Hindi tayo titigil sa pakikibaka hanggang sa mapawi ang uhaw natin sa tunay na karapatan!

ATIN ANG KALAYAAN! IPAGLABAN ANG KARAPATAN!

#DignityFreedomAndJusticeForAll
#LabanParaSaKarapatan
#StopTheAttacks
#InternationalHumanRightsDay2022

bottom of page