Anti-Terror Law, Ibasura
Opisyal na Pahayag ng CEAT Student Council Hinggil sa Ikalawang Taong Anibersaryo ng Anti-Terror Law
Sa gitna ng pandaigdigang pandemya at simula ng paghina ng ekonomiya ng bansa, pinirmahan at isinabatas ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11479 o Anti-Terror Act na naging kwestiyonableng tugon ng gobyerno sa krisis ng bansa.
Dalawang taon na ang lumipas at patuloy pa ring lumalaban at tumitinding ang Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal na ibasura ang Anti-Terror Law na naglalayong patahimikin ang boses ng oposisyon. Sa bagong administrasyon, nakababahala na busalan ang bibig ng mga lumalaban sa gobyerno lalo’t higit nag-iisa ang nagsisilbing oposisyon sa senado.
Hindi maipagkakailang isang nasyonal na isyu ang terorismo sa bansa lalo’t higit hinog ang karanasan sa mga pag-atake partikular na sa Mindanao na naging sanhi ng pagkamatay ng mga sibilyan kung kaya’t marapat lamang na masugpo at hulihin ng gobyerno ang sinumang gumagamit ng karahasan laban sa mga inosenteng mamamayan. Hindi tayo tutol sa mapayapang bansa, ngunit kwestiyonable ang konteksto sa likod ng pagpasa ng ATL at ang mga probisyong kinabibilangan nito.
Kamakailan lamang nga ay na terror-tag ng Philippine National Police (PNP) Los Baños ang Communist Party of the Philippines - New People's Army - National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa Agapita Road. Inihayag at binansagan ng puwersa ng pulisya ang grupo bilang isang "organisasyon ng terorista" habang sinasabi na ang mga pakikibaka ay napupunta sa parehong legal at ilegal na paraan. Kabalintunaan, binigyang-diin ng tagapagsalita mula sa PNP ang pagkamit ng isang independyente at demokratikong gobyerno ngunit maling inakusahan ang CPP-NPA-NDF bilang mga terorista.
Kaugnay rin nito, isang malaking kawalanghiyaan din ang pang reredtag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas matapos ipahayag ang pagkadismaya sa pagkapanalo ng Marcos-Duterte tandem sa labang academic walkout ng mga iskolar ng bayan.
Hindi lamang ito ang pagkakataon kung saan patuloy ang pang reredtag at terror-tag sa mga oposiyon na lumalaban sa karapatan ng mga mamamayan. Mula noon ay laganap na ang mga akusasyon sa mga indibidwal at mga rebolusyonaryong grupong nais lamang ay maipaglaban ang karapatan at kalayaan ng bansa.
Umiiral na ang batas kontra terorismo noon pa man, ang Human Security Act of 2007. Layunin ng nasabing batas ang pagprotekta sa karapatang pantao lalo na’t mainit ang terorismo sa kapanahunang iyon. Subalit ang paglarawan ng terorismo ay napakalawak at nagkaroon ito ng mga negatibong epekto na hindi tugma sa pagprotekta ng karapatang pantao. Ang mga pangunahing pagkakaiba ay nasa mga probisyon kung saan maaaring arestuhin ang isang indibidwal batay sa kanilang mga kahulugan ng sedisyon at pag-uudyok ng terorismo. Samakatuwid, ang Anti Terror Law ay banta sa malayang pamamahayag at depektibong batas.
Sa patuloy na paglapastangan ng administrasyon sa kalayaan at karapatan ng mga mamamayan lalo’t higit ng mga oposisyon. Sino nga ba ang terorista ng bansa? Sino nga ba ang gumagamit ng pananakot, karahasan, at nakamamatay na pwersa sa mga inosenteng tao para sa kanilang benepisyo? Para kaninong kapakinabangan nga ba ang Anti-Terror Law?
Muli, kaisa ang Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Inhinyeriya at Teknolohiyang Pang-Agro-Industriyal sa panawagan upang ibasura ang Anti Terror Law. Patuloy tayong tumindig at lumaban sa ating mga karapatan lalo na at patuloy tayong binubusalan at pinipilayan sa ating laban para sa bayan.
Hindi tayo pasisiil. Atin ang kalayaan. Ipaglaban ating karapatan.
#JunkAntiTerrorLaw
#TindigCEAT
#CEATParaSaMasa