top of page

ABANTE, BABAE! PALABAN, MILITANTE!

OPISYAL NA PAHAYAG NG CEAT STUDENT COUNCIL HINGGIL SA PAGDIRIWANG NG PANDAIGDIGANG ARAW NG KABABAIHANG ANAKPAWIS

ABANTE, BABAE! PALABAN, MILITANTE!

ABANTE, BABAE! PALABAN, MILITANTE!

[OPISYAL NA PAHAYAG NG CEAT STUDENT COUNCIL HINGGIL SA PAGDIRIWANG NG PANDAIGDIGANG ARAW NG KABABAIHANG ANAKPAWIS]

Babae, ang lugar mo ay sa pakikibaka!

Ngayong araw, taas-kamaong ipinagdiriwang natin ang panlipunan, pang-ekonomiya, kultural, at pampulitikang mga tagumpay ng kababaihan saan mang sulok ng mundo at pagkilala hindi lamang sa kanilang mga nagawa, kundi pati na rin sa kanilang mga pakikibaka’t pagkilos laban sa diskriminasyon, karahasan, at lahat ng porma ng pang-aabuso sa lahat ng kasarianpakikibaka't pagkilos laban sa diskriminasyon, karahasan, at lahat ng porma ng pang-aabuso sa lahat ng kasarian.

Isang siglo na ang lumipas at patuloy pa rin nating ipinagdiriwang ang mga kontribusyon ng kababaihan sa pagbabago sa lipunan, pulitika, at ekonomiya ngunit ang selebrasyon ding ito ay pagpapaalala sa atin na ang laban para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian ay hindi pa tapos. Bagkus, patuloy pa rin itong ipinaglalaban sa pamamagitan ng pagrehistro ng ating panawagan sa iba’t ibang lunsaran.

Ayon sa ulat ng International Labor Organization (ILO), noong 2022 ang global labor force participation rate ng kababaihan ay mas mababa sa 47% kumpara sa kalalakihan na 72%. Ang agwat na ito ay nagsasabi sa atin ng isang lumang kuwento: na hindi lahat ng babae ay may akses sa edukasyon, pagsasanay, at disenteng trabaho. Milyun-milyong kababaihan pa rin ang patuloy na nagtitiis sa mahihirap na kondisyon sa pagtatrabaho at hindi patas na sahod gayundin ang sekswal, pisikal, emosyonal, institusyonal, at pang-ekonomiyang pang-aabuso. Sa katunayan, ayon sa datos ng ILO, hindi nawala ang agwat sa suweldo ng magkaibang kasarian sa buong mundo, ang mga kababaihan ay kumikita pa rin ng 20% ​​na mas mababa kaysa sa mga kalalakihan.

Dagdag pa rito ay isa rin ang sektor ng kababaihan sa pinakabulnerable sa pang-aabuso lalong-lalo na sa karahasan ng estado. Sa kasulukuyan, mayroong 97 na bilanggong pulitikal mula sa hanay ng kababaihan sa buong bansa na sa kabila ng kanilang pagtataguyod para sa ating mga demokratikong karapatan, niyuyurakan ng estado ang kanilang mga karapatang pantao. Ilan nga rito ay sina Dana Marcellana, Alexa Pacalda, Teresa Dioquino at Fe Serrano na hanggang ngayon ay nakapiit pa rin sa bisa ng mga gawa-gawang kaso tulad na lamang sa mga paratang na sila ay miyembro ng CPP-NPA, nagmamay-ari ng mga armas at eksplosibo, at kung ano-ano pang gasgas na tugtugin mula sa kapulisan at militar na wala namang matibay na ebidensya.

Kung kaya't ngayon ay hinihimok ang lahat ng mga mag-aaral na tumindig kasama ng mga kababaihang magkakaibang SOGIE (sexual orientation, gender identity, at expression), kababaihang may kapansanan, katutubong kababaihan, etnikong minorya na kababaihan, kababaihang migrante at refugee, matatandang kababaihan, kababaihang kabataan, at lahat ng kababaihan sa buong mundo. Itigil ang lahat ng diskriminasyon sa kanila sa lugar man ng trabaho, tahanan, o paaralan. Wakasan na ang pandidikta sa ating mga kababaihan sa kung ano dapat ang maging papel nila sa lipunan. Isulong ang pantay-pantay na karapatan para lahat ng kasarian at tuldukan na ang macho-pyudal at patriyarkal na sistemang mapanupil at marahas.

Ngayon higit kailanman ay dapat tayong makiisa at sumama sa mga pagkilos sapagkat gagap natin na ang danas ng kababaihan ay hindi nalalayo sa danas ng buong sambayanang Pilipino lalo na sa ilalim ng rehimeng US-Marcos-Duterte. Panagutin ang estado sa kanilang paglabag sa karapatang pantao at pagbayarin sa mga inutang nilang dugo!

Muli, taas-kamaong pagpupugay sa mga kababaihang patuloy na nakikibaka!

#IWWD2023
#SOGIESCEqualityNow

bottom of page